Home

Advertisement

Customize
 
 
29 May 2009 @ 09:42 am
Summer kind of wonderful, and senioritis symptom number 1. ;)  
Okay I'm ripping off this blog's title from the title of GGS2's first ep. Hehe.

Finally, after a month I will now update this blog. Been busy with a lot of things, majority of which is my summer internship.

This is the article I passed to Vibal Foundation and to my prof (as my reflection paper). Haha sorry naman, napasarap lang sa pagtatype.

This is Senioritis symptom number 1.

===========

Lagi kong sinasabi sa sarili ko dati na gusto ko nang makatapos kaagad sa pag-aaral dahil gusto ko na ring magtrabaho at kumita ng pera. Sa katunayan, iyan din ang nais ng aking mga kaibigan tuwing mag-uusap-usap kami. Mahirap maging estudyante dahil bukod sa laging walang pera (dahil kadalasang bitin ang allowance na binibigay ng magulang o maraming gastusin sa eskwela), tambak ka rin ng sangkatutak na paper works, research, at kung anu-ano pang maaaring ipagawa sa iyo ng mga guro, at pakiramdam namin ay nakakulong pa rin kami sa kung anong hawla; hindi katulad na kapag nasa trabaho na, mas malaya ka kung anong gusto mong gawin. Kaya sa pagpasok pa lang ng bagong taon, excited na kaagad ako para sa gaganaping summer internship, at saksi ang aking mga kaibigan sa paulit-ulit kong "Excited na ako sa internship" episodes tuwing magkakasama kami.

Katulad rin ng nais ng iba, gusto ko ring maging makabuluhan at memorable ang internship ko. Kamusta naman ang dami ng mga larangang gusto kong subukan: sa teatro, pagsusulat at paglilimbag, photography, ang pagtatrabaho sa isang museo, sa advertising, research, sa arts management (kahit na malayo sa kinuha kong track), journalism at media, production design, sa kahit anong arts organization, government agency... lahat na marahil ng maisip mong puwedeng pasukang larangan ay naisip ko na. Dahil isa rin akong student assistant, iniwasan ko ang mga kumpanyang may posibilidad na bigyan ako ng trabahong kahalintulad nu'n (clerical work); ganoon ako ka-metikuloso sa uri ng trabahong gusto ko.

Masakit man sa puso, kailangan kong pag-isipang mabuti kung saan ko talaga gusto, kaya ang mga pagpipilian ay nalimitahan sa apat: teatro, advertising, government agency, at production design. Kaya inulan ko ng resume, recommendation letters, at sample works ang mga prestihiyosong kumpanya tulad ng ABS-CBN, McCann-Erickson, Department of Tourism, Tanghalang Pilipino, at CCP. Sa lahat ng iyan, tatlo ang nagpahayag na gusto nila akong ampunin ng isang buwan--maswerte siguro ako dahil bukod sa mga kumpanyang gusto ko ang inaplayan ko, nakuha ko rin ang mga sagot na nais ko mula sa kanila. Ngunit bakit nga ba ako napunta sa Vibal Foundation?

Tinanggihan ko ang Department of Tourism (Kinulit nila ako sa email at text kung interesado pa akong mag-intern sa kanila) kahit na sa tingin ko ay magiging worthwhile ang paglagi ko roon; hindi ko rin alam kung bakit ko ginawa iyon. Pagkatapos naman ng intern orientation sa CCP at Tanghalang Pilipino, tinanggihan ko rin ang alok ng mga organisasyong ito dahil hindi ko nagustuhan ang uri ng trabahong binigay nila sa'kin--siguro umasa lang ako na bibigyan nila ako ng trabahong lilinang sa interes ko sa teatro at sining-biswal. Isang back-up plan ang Vibal Foundation (ngunit sakto pa rin naman ito sa interes ko sa research at pagsusulat), kaya naisipan namin ni Gem Mallorca (kaibigan, kaklase, at co-intern) na subukang mag-apply rito.

Fast forward... natanggap kami sa Vibal; isa ring sorpresa sa'min ni Gem na dito rin nag-apply sina Paula Custorio at Joya Lendio. Hindi ko malilimutan ang araw na nakatanggap ako ng tawag para sa interview at text na nagsasabing maaari na akong magsimula--bumalik yung pakiramdam na naranasan ko noong nalaman kong pumasa ako sa eskwelahang gusto kong pasukan (hindi UP).

Abril 17 ang unang araw para sa duty. Naaalala ko pang tinext ko ang mommy ko na kinakabahan ako, sabay reply naman niya na "Kaya mo yan". Hindi man nakatulong sa paghupa ng kabang naramdaman ko, ayos na rin iyon, at least supportive siya. Natatawa na nga lang ako ngayon kapag iniisip ko ang kabang naramdaman ko nang araw na iyon; hindi naman talaga ako dapat kabahan.

Bilang mga tagasulat ng iba't ibang mga artikulo, nadestino ako sa WikiPilipinas (http://www.wikipilipinas.org) kasama si Paula. Si Joya, kalahati sa Wiki, kalahati sa FilPress. Si Gem naman, kalahating Wiki, kalahating Filipiniana.net. Magkakaiba kami ng cubicle/upuan (maliban sa'min ni Paula na magkatabi lang), pero walang palya ang pag-uusap namin sa pamamagitan ng Skype (isang online chatting service na kahalintulad ng Yahoo Messenger).

Marami akong nais ikuwento dahil sa dami ng karanasan sa Vibal, kasama na rito ang palagiang huli sa pagpasok (Pasensya naman at palaging trapik sa SLEx at Skyway), ang interes ko sa pagsusuot at pamimili ng office clothes, nakakilala ng mga bagong kaibigan sa anyo ng co-interns at new employees, at ang pagsama sa isang makabuluhang event kung saan binigyan kami ng pagkakataon ni Gem upang makapagsulat ng isang artikulo para rito (Nasa Philippine Online Chronicles ang artikulong pinagtulungan naming gawin). Hindi rin mabilang ang dami ng kwento, tawanan, inis, galit, pagod, at iba't ibang emosyon na naramdaman namin sa paglagi namin dito.

===

Kapag pinapalarawan ang sarili ko sa iba (o sa mga bahaging "Describe yourself" sa mga social networking sites), lagi kong sinasabi na gusto ko laging maraming ginagawa at nase-stress dahil nalilihis nito ang frustrations ko sa lovelife (HAHAHA pasensiya naman), timbang (Isa pang sorry), at grades (grade conscious kasi ako). Bukod doon, mas nakakakuha ako ng kasiyahan kapag nakakagawa ng marami o nagtatrabaho, kaysa tumambay sa bahay at kumain buong araw. Kaya natuwa ako sa dami ng gawain at dapat isulat para sa WikiPilipinas dahil natupad nito ang gusto ko. Kahit na hindi naman kasama sa sweldo, nakahiligan at nakasanayan ko na rin ang mag-overtime para tapusin ang mga dapat gawin. Ganoon ako ka-adik sa trabaho--workaholic, ika nga.

"Welcome to the real world!" sabi sa akin ng dalawa kong kaibigan.

Bukod sa dami ng karanasang nakuha, marami rin akong natutunan sa internship ko:

1. Naniniwala akong experience is the best teacher. Mas naintindihan ko ang mga itinuro sa eskwela kapag naharap na sa isang partikular na sitwasyon. Bukod rito, nagamit ko rin ang mga natutunan sa eskwela sa pagpapalaganap ng kaalaman sa iba.

2. Totoo nga ang pahayag na "Do not put unto tomorrow what you can do today". Dumadami ang trabaho kapag hindi mo ginawa ang mga dapat gawin. :-)

3. Dress appropriately and nicely.

4. Tanggapin ang lahat ng utos at trabahong ibinigay ng mas nakakataas sa iyo. Patience.

5. Balikan ang mga naisulat at tingnan kung may kulang o mali. Mas mapapadali ang trabaho dahil hindi na dapat ibalik pa sa iyo ang mga ito upang padagdagan o i-edit.

6. Dahil bago ako, ako ang dapat mag-adjust at hindi sila.

7. Mahalaga ang mag-destress, kaya mahalaga ang Facebook at Skype at paminsan-minsang tawanan at kwentuhan.

8. Kahit sa eskwela, mahirap lumiban sa trabaho dahil nga bumibigat ang work load.

9. Mahalagang makisama sa mga kapwa interns at bago at lumang employees, kahit ang mga tindera sa canteen at ang mga guwardiya.

10. Hindi katulad sa eskwelahan, mas malawak ang mga uri ng personalidad ng mga tao sa workplace, kaya dapat dagdagan ang pasensya at kabaitan.

11. Pumasok ng maaga. Hindi maganda ang impresyong iiwan mo sa mga empleyado at boss kapag laging huli sa pagpasok.

12. Natutunan ko ring ma-appreciate ang kahalagahan ng mga maliliit na bagay tulad ng kape, baon, musika, jokes, social networking sites (tulad ng Facebook), chatting services (Skype), at crush sa trabaho.

Bilang kapalit sa kontribusyong ibinigay namin sa kumpanya, binigyan kami ng incentive ng Vibal sa pamamagitan ng pagbibigay sa amin ng intern salary. Hindi katulad ng nararanasan ko kapag nakukuha ko ang suweldo ko bilang student assistant, mas masaya at fulfilling ang pakiramdam kapag alam mong pinaghirapan at pinaglaanan mo ng maraming oras ang nakuhang suweldo. Siguro maaari ko ring isama sa listahan ko ng mga natutunan ang kahalagahan ng pag-iimpok/pag-iipon/pagtitipid dahil iba na ang panahon ngayon.

Mas naintindihan ko na kung bakit mahirap kitain ang pera. Mahirap rin ang magtrabaho, kaya minsan namimiss ng iba ang pagiging estudyante. Madali nga naman maging estudyante dahil papasok ka lang, makikinig sa guro at gagawin ang mga requirements, may pera ka pa mula sa mga magulang. Ngunit sa aking palagay, mas fulfilling ang magtrabaho dahil bukod sa inaapply ang mga natutunan sa eskwela, mas marami ring bagay ang natututunan na hindi naituturo sa eskwela.

Dahil dito, nagpapasalamat ako sa pagkakataong ibinigay sa akin ng Vibal Foundation at ng mga boss ko, hindi lamang para maisakatuparan ang kinakailangang internship hours, kundi para rin mga bagay at karanasang ibinigay at ibinahagi nito sa akin at sa iba pang interns.

Sa pagtatapos ng aking internship, aasahan ko na mapagtanto rin ng mga susunod na interns ng Vibal na mas importante ang pagpapayaman ng karanasan, paglilinang ng interes at kasanayan, at pagkakaroon ng fulfillment sa napiling propesyon, bukod sa pagtanggap ng suweldo.
 
 
Feeling really: accomplished
 
 
 
 

Advertisement

Customize